Home NATIONWIDE PBBM sa gov’t agencies, LGUs sa Maguindanao: Maghanda para sa La Niña

PBBM sa gov’t agencies, LGUs sa Maguindanao: Maghanda para sa La Niña

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs) sa Maguindanao province na makipag-ugnayan at maghanda para sa La Niña phenomenon.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka at mangingisda sa Maguindanao del Sur, sinabi ng Punong Ehekutibo na ang paghahanda para sa panahon ng tag-ulan ay makatutulong para mapagaan ang epekto ng pagbaha sa mga residente ng lalawigan.

”Ngayon, papalapit na tayo sa buwan ng Hunyo, inaasahan natin na huhupa na ang matinding init, ngunit mapapalitan naman ito ng matinding pag-ulan,” ayon kay Pangulong Marcos.

“‘Kaya naman, inaatasan ko ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan, lalong-lalo na sa mga LGU, bilang [paghahanda] para sa darating naman na La Niña,” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, ginarantiya naman ni Pangulong Marcos sa publiko na nakahanda ang gobyerno na tugunan ang posibleng epekto ng La Niña sa mga susunod na buwan.

Sinabi pa ng Chief Executive na ang long-term flood control solution ay kailangan para tugunan ang epekto ng weather phenomenon. Kris Jose