Home OPINION ARAW NG KALAYAAN PARA BA SA BAYAN?

ARAW NG KALAYAAN PARA BA SA BAYAN?

NGAYONG araw, Hunyo 12, dapat nakatuon ang diwa ng Pambansa o Araw ng Kalayaan sa kapakanan ng taumbayan at hindi sa iilang naghahari-harian.

Ang mga halal at appointed o itinatalaga na namumuno sa ating pamahalaan ang mga naghahari-harian.

Mula sa ibaba o barangay at lokal na pamahalaan hanggang sa itaas o Kongreso at Palasyo.

Naghahari-harian sila kung nalilimutan nilang galing sa boto o pagtitiwala ng sambayanan sa kanila ang paghawak ng kapangyarihan.

At wala nang puwang ang interes ng bayan kundi pansariling interes lamang ang tangan-tangan.

Dito natin higit na itinutuon ang ating mga mata o pagmamasid.

Pero ang mga may renda mismo sa pamahalaan na pinakamapakangyarihan sa lahat ng naghahari-harian ang dapat nating bantayan.

Sapagkat sila ang humihila o nagtutulak sa buong bayan sa kapahamakan sa isa o ilang kumpas lang ng kanilang mga daliri.

Kung may biyaya man nilang hatid, mga tira-tira lang.

MATA NAKATUON SA 2025 AT 2028

Aminin man o hindi ng mga naghahari-harian, marami sa mga ginagawa nila ngayon ang nakatuon sa mga halalang 2025 at 2028…kung hindi mahaharang ng Charter change na ipinipilit ng iilang makapangyarihan.

Ang mga non-partisan na opisyal ng Barangay Council at Sangguniang Kabataan ay kasama na rin dahil klarong bitbit-bitbit sila ng mga nakatataas sa kanila para sa kanilang mga layunin sa darating na mga halalan.

Karaniwang ginagawa ng mga nakaupong naghahari-harian ang pagmukhaing kanila ang proyekto o programa kahit na galing sa buwis ng taumbayan ang pondo at gamit para sa mga proyekto.

At ginagawang utang na loob ng bayan ang bawat kilos nilang sa totoo lang ay obligasyon naman nilang gawin.

MGA PROBLEMA

Sa ngayon, problema ng mga naghahari-harian ang lakas ng kani-kanilang mga pwersa sa giyera sa pulitika sa 2025 at 2028.

Mula sa senador hanggang mayor, kasalukuyan ang agawan ng kaalyado at marami naman ang bumabalimbing, depende sa pakinabang nila sa galawan, lalo na mula sa mga nasa itaas na nagpapaulan ng salapi para manalo.

Karaniwang interes sa pulitika ang pagpapayaman sa puwesto o kahit man lang sa mga araw ng pulitika dahil bumubuhos nga ang mga pondo ng mga politiko mula sa kani-kanilang mga bulsa o mula mismo sa kaban ng bayan sa parte ng mga nakapwesto sa gobyerno.

Sabi nga ng mga nakapwesto, “Silang kandidatong pribado, sa bulsa nila dumudukot ng panggastos. Pero kami, sa pondo mismo ng gobyerno kami dumudukot ng panggastos na sky is the limit.”

Silang mga pribado, hanggang pangako lang umano ang karaniwang nagagawa ng mga ito samantalang may pruweba ng mga nakapwesto gaya ng mga proyekto o programa na kanilang nagawa na o ginagawa kahit may halalan na.”

PROBLEMANG BAYAN

Sa kabilang banda, mga Bro, hinahanap ng sambayanan ang kalutasan ng mga problemang napakataas na presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas; milyon-milyong walang hanapbuhay o kakaunting pinagkakakitaan; korapsyon o pagpapayaman sa pwesto at iba pa.

Lahat ng problemang ito ay nagbubunga ng malawakang kagutuman, kahirapan, kawalang ng oportunidad at iba pa.

Sa mga problemang ito gustong lumaya ang higit na nakararaming mamamayan.

May puwang ba ang kalutasan sa mga problema ng mga mamamayan ngayong Araw ng Pambansang Kalayaan?