Home METRO Armadong suspek, arestado sa tulong ng QC Helpline 122

Armadong suspek, arestado sa tulong ng QC Helpline 122

185
0

MANILA, Philippines – Iniulat ni Quezon City Police District (QCPD), Director PBGEN Randy Glenn Silvio, ang pagkakaaresto sa isang alyas “Alexander”, 64 taong gulang at residente ng Brgy. Loyola Heights, Quezon City, dahil sa pagpapaputok ng baril sa isinagawang hot pursuit operation ng magkasanib na operatiba ng QCPD.

Ayon sa ulat ng QC pulis dakong alas-8:15 ng gabi noong Pebrero 5, 2026 naganap ang insidente sa Loyola Heights, Quezon City, makaraang lumabas ang suspek sa kanyang tirahan at ilang beses na nagpaputok ng baril.

Pagkatapos ay nagsindi siya ng butane torch malapit sa Ford EcoSport ng kanyang kapitbahay at nagpaputok uli ng maraming putok sa sasakyan bago tumakas sakay ng kanyang Honda Civic.

Agad namang iniulat ng mga saksi ang insidente sa Anonas Police Station 9 sa pamamagitan ng QC Helpline 122. At agad na kumilos ang mga operatiba ng PS 9, QCPD SWAT at Talipapa Police Station 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-11:40 ng gabi ng parehong gabi sa harap ng Baesa Town Center, Brgy. Baesa, QC.

Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na may matagal nang sama ng loob ang suspek sa biktima dahil sa naunang akusasyon ng internet hacking.

Narekober mula sa suspek ang Honda Civic motor vehicle, isang cal. 45 Pistol, limang (5) piraso ng magazine, 39 piraso ng cal. 45 na live ammunition, anim (6) piraso ng cal. 45 practice bullet, Php33,000.00, isang (1) unit ng IPhone 17, tatlong (3) keypad phone, isang pocket knife, isang multi tool, isang (1) unit ng Sony recording device, isang driver’s license, isang (1) permit to carry ID, isang (1) firearm registration ID, isang (1) LTOPF ID at isang (1) ID.

Kasalukuyang ngayon nasa kustodiya ng PS 9 ang suspek at mahaharap sa kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa mga paglabag sa R.A. 11926 (Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms), R.A.10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Malicious Mischief.

“Pinupuri ko ang mabilis na pagtugon ng aming mga tauhan, na humantong sa pag-aresto sa suspek tatlong oras lamang pagkatapos ng insidente. Ito ay nagpapakita ng aming pangako sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at ang aming kahandaan na tumugon sa mga aksyon ng karahasan. Hinihikayat din namin ang publiko na ipagpatuloy ang pag-uulat ng mga ilegal na aktibidad sa mga awtoridad o i-dial ang E911/QC Helpline 122.” sabi ni PBGEN SILVIO. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here