MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Army (PA) na naka-standby na ang kanilang mga tropa para magsagawa ng rescue, relief at seguridad operations sa mga komunidad na apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, handa ang PA na magpatupad ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at disaster response agencies upang mapabilis ang tulong sa mga apektadong pamilya.
Kasunod ng paglalagay ng PHIVOLCS sa Alert Level 3 sa Bulkang Mayon noong Enero 1, in-activate ng 9th Infantry Division ang Task Force Sagip noong Enero 6, na binubuo ng 901st at 903rd Infantry Brigades.
Ang mga yunit na ito ay tumutulong sa preemptive evacuation, nagbibigay ng seguridad, at nagsasagawa ng manpower support sa mga lugar na may banta ng dome collapse at pyroclastic density currents.
Sa kasalukuyan, tumutulong din ang Army sa relief operations para sa 2,449 evacuees na nasa evacuation centers sa Camalig, Guinobatan, Daraga at Tabaco City. Nagtayo rin ng mga checkpoint ang mga sundalo sa mga pangunahing kalsada upang mapanatili ang kaayusan sa lugar. RNT/JGC