Home HOME BANNER STORY Arrest warrant sa extradition ni Quiboloy sa US, inilabas na

Arrest warrant sa extradition ni Quiboloy sa US, inilabas na

1
0

MANILA, Philippines – Naglabas ang isang korte sa Makati ng “extradition arrest warrant” laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at dalawa niyang kapwa akusado sa mga kasong kinakaharap nila sa United States, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes.

Bukod kay Quiboloy, saklaw din ng warrant sina Teresita Dandan at Helen Panilag.

Ayon sa DOJ, inilabas ng Makati City Regional Trial Court ang warrant nitong Huwebes matapos matukoy na may probable cause na ang tatlong indibidwal ang mga taong tinutukoy sa mga arrest warrant at indictment mula sa US, extraditable ang mga kasong isinampa laban sa kanila, at may batayan upang paniwalaang ginawa nila ang mga naturang krimen.

Naglabas din ang korte ng hold departure order laban sa bawat isa upang pigilan silang makaalis ng bansa.

Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail dahil sa hiwalay na kasong qualified human trafficking na dinidinig sa Pasig City Regional Trial Court.

Ayon sa DOJ, kapag naabisuhan na ang korte tungkol sa pagkakaaresto sa isang extraditee, personal na ihahatid dito ang summons, kasama ang kopya ng extradition petition at mga kalakip na dokumento.

Mayroon silang 15 araw mula sa pagtanggap ng summons upang magsumite ng verified answer.

Inaresto si Quiboloy sa Pilipinas noong 2024 kaugnay ng mga kasong human trafficking. Nahaharap siya sa posibleng habambuhay na pagkakakulong kapag napatunayang nagkasala.

Noong 2021, kinasuhan siya ng isang US grand jury dahil sa umano’y sabwatan para magsagawa ng sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, panlilinlang at pamimilit, sex trafficking ng mga bata, at malakihang pagpupuslit ng pera.

Ayon sa indictment, umano’y nire-recruit ang mga batang babae at kababaihang edad 12 hanggang 25 bilang personal assistants ni Quiboloy upang maghanda ng kaniyang pagkain, maglinis ng tirahan, magmasahe at makipagtalik sa kaniya.

Tumakbo rin si Quiboloy bilang senador sa 2025 midterm elections kahit nakakulong at nakakuha ng 5,667,438 boto. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here