SIMULA noong isang linggo, o kahit noong nakaraang buwan, abala ang pamahalaan sa paghahanda para sa 49th ASEAN Summit na ginaganap ngayon sa ating bansa. Kasabay naman ng pagiging abala ng mga nasa gobyerno, maraming Pilipino ang abala sa paghahanap ng paraan upang maitawid ang araw-araw na pangangailangan.
Oo nga at pinagaganda ang imahe ng Pilipinas sa harap ng mga dayuhang lider, pero nakikita ba ng gobyerno ang mabigat na pasanin ng mga mamamayan dahil sa mahal na bilihin, mataas na presyo ng langis at pamasahe.
Dati ang layunin ng summit at ang pagkakataong palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya, kalakalan at seguridad sa rehiyon. Pero ngayon, nagiging daan na lang ito para sa magarbong pagtitipon, magagandang larawan at papuri ng mga bisita. Pero walang pakinabang ang mga Pilipino.
Sa halip, nawawalan pa ng laman ang kaban ng bayan. Bakit? Saan ba napupunta ang pera na bunga ng pagbabayad ng buwis at iba pa?
Sa ulat, ₱22.9 bilyon ang inilaan para sa summit, bagaman hindi pa ito ang aktwal na halagang nagastos. Eh kung ginastos na lang iyon para sa kapakanan ng mamamayan, malamang marami ang nakinabang.
Dapat, maging malinaw na mailahad ng pamahalaan ang gastos sa ASEAN at resultang pakinabang ng bayan. Napakalaking pera ang ginastos at hindi alintana ng gobyerno na ang bawat pisong nagmula sa buwis ng mamamayan ay kailangang gastusin nang wasto. Eh, ang ginagawa ng pamahalaan ay pagpapabida sa mga panauhin.
Hindi kailangan o hindi naiintindihan ng karaniwang Pilipino o ordinaryong manggagawa ang resulta, kung meron man, ng ASEAN Summit, dahil ang mahalaga sa kanila ay mayroong pagkain sa hapag para sa kanyang pamilya.
Ano ba ang magandang tulong na naibigay ng summit sa ating bansa? Napababa ba nito ang presyo ng bilihin? Nakapagbigay ba ito ng maraming trabaho sa mga Pilipino?
Parang hindi naman. Tila dahil nga sa ASEAN Summit, maraming manggagawa ang apektado – tsuper, delivery rider, maliliit na negosyante at pasaherong kailangang makarating sa kanilang destinasyon.
Pero sana, maisulong sa summit ang solusyon sa mataas na presyo ng mga bilihin dahil sa mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kakulangan sa trabaho, seguridad sa pagkain at higit sa lahat tensyon sa West Philippine Sea.
Dapat kumilos ang pamahalaan na hindi lang mga dayuhan ang humanga sa Pilipinas. Dapat may makuhang malaking pakinabang ang mga Pilipino dahil tayo ang ang gumastos sa kapritso ng gobyerno. Sobra na ang pagtitiis ng mamamayang sila ang nagbabayad ng pagkukulang at ginawang problema ng pamahalaan.






