Home NATIONWIDE Ash Wednesday, paanyaya sa tunay na pagbabagong-loob at puso – Antipolo bishop

Ash Wednesday, paanyaya sa tunay na pagbabagong-loob at puso – Antipolo bishop

190
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na ang Ash Wednesday ay higit pa sa isang ritwal kundi ito ay isang paanyaya sa tunay na pagbabagong-loob at pagbabago ng puso bilang paghahanda sa muling pagkabuhay ni Hesus sa Pasko ng Pagkabuhay.

Ayon kay Bishop Santos, ang paglalagay ng abo sa noo ay isang malalim na paanyaya ng Diyos sa bawat mananampalataya upang magbago ng puso at isip.

Ipinaalala ng Obispo na ang Kuwaresma ay panahon ng pagninilay, pagsisisi, at pagpapanibago ng buhay.

Bahagi nito ang kababaang loob na aminin ang mga pagkakamaling nagawa laban sa Diyos at kapwa.

Bilang bansang may pinakamaraming Katoliko sa Asya, binigyang-diin niya na ang Ash Wednesday ay isang makapangyarihang sandali ng pagninilay, pagsisisi, at pagbabagong-loob.

Hinimok din ni Bishop Santos ang bawat isa na suriin ang sariling buhay at ugnayan sa kapwa, lalo na sa gitna ng pagkakawatak-watak ng lipunan.

Dagdag pa niya, mahalagang gamitin ang panahon ng Kuwaresma upang pagtibayin ang pananampalataya at pakikipagkapwa.

“I encourage each of you to use this time to examine your own lives and relationships. Where can we offer forgiveness and seek reconciliation? How can we serve those in need, following the example of our Lord Jesus Christ?” ayon sa obispo.

Umaasa si Bishop Santos na ang apatnapung araw ng Kuwaresma, na puno ng sakripisyo, panalangin, at kawanggawa, ay magdudulot ng tunay na pagbabago.

Binigyang-diin ng obispo na ang Kuwaresma ay hindi lamang paghahanda sa paggunita ng pagpapakasakit ni Kristo kundi isang pagkakataon upang palalimin ang ugnayan sa Diyos at kapwa, tungo sa ganap na pagkakasundo at kaligtasan na handog ng Panginoon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here