MANILA, Philippines – Sinabi ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, Enero 22 na may mga ulat na maaaring nasa Cambodia ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
“May information na nasa Cambodia. But that’s raw information… Kasi nag-set up siya ng online sabong sa Cambodia,” pahayag ni Remulla sa panayam ng DZBB.
Sa kabila nito, iginiit ni Remulla na kumpiyansa silang nasa Pilipinas pa si Ang ngunit idinagdag na pinagsisikapan na ng mga awtoridad ang pagkansela sa pasaporte ni Ang upang maiwasan ang pagbiyahe nito.
Sinabi rin ng DILG Secretary na maaaring hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamahalaan ng Cambodia ang pag-aresto kay Ang kung makumpirma ang impormasyon.
“Kapag i-cancel po ’yan, ang ASEAN magiging chairman ang ating Pangulo. Puwede niya pang i-request ’yan sa kapwa pangulo niya o hari yata sa Cambodia,” ani Remulla.
“Katulad ng ginawa kay Teves. Ni-request niya ’yun sa Timor-Leste, tapos sinuli dito,” dagdag pa nito.
Ang tinutukoy ni Remulla ay ang kaso ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na naaresto sa Timor-Leste noong Mayo 2025 kaugnay sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Kasunod ng P10 milyong pabuya sa impormasyon sa lokasyon ni Ang, sinabi ni Remulla na nakatatanggap na ng mga tip ang mga awtoridad na nagdulot ng walong operasyon bagamat hindi natagpuan si Ang sa mga nabanggit na lugar.
Matatandaan na inilabas ang arrest warrants laban kay Ang at iba pa dahil sa multiple counts ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Si Ang na lamang ang akusadong pinaghahanap pa.
Humiling na ang mga awtoridad ng paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang. RNT/JGC