Home OPINION AYAW NA PUMABOR SA EX-BOSS?

AYAW NA PUMABOR SA EX-BOSS?

WALA talagang ‘forever’ at napatunayan ‘yan sa maraming pagkakataon kung saan isang halimbawa na ang ‘UNITY’ team nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Naglaho ang bula at bango ng tambalan ng dalawang opisyal na pampulitika lang o sapat lang noong panahon ng halalan.

At dahil hindi natagalan ni VP Sara ang init, napilitan siyang lumabas kaya nagbitiw bilang kalihim ng Edukasyon at vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Ganito rin kaya ang gawin ni Energy Regulatory Commission chairperson Mona Dimalanta sa halip na hintayin niyang sibakin siya?

Ayon kasi sa impormante mula sa Malacañang, nauuta na itong si Dimalanta sa mga patawag sa kanya sa Palasyo lalo na kapag naroroon ang dati niyang among si Sabin Aboitiz na lead convenor nang binuong Private Sector Advisory Council ni Pangulong Bongbong Marcos.

Totoo ba na panay ang hiling ni Aboitiz kay Dimalanta ng mga pabor para sa kanyang kompanya? Noong una, anang impormante, hindi matanggihan ng chairperson ng ERC ang mga hiling sa kanya ng dating amo dahil kay Pangulong Marcos.

Pero nitong mga huling araw (syempre ayon pa rin ito sa impormante sa Palasyo), tila nag-iiba na ang timpla ni Dimalanta maaring dahil napapagod na siya sa usaping ang naiipit ay siya (lalo na sa taumbayan – Ed) dahil pabor madalas sa dati niyang amo.

Naiinis na umano si Dimalanta, hindi dahil sa pabalik-balik siya sa Palasyo para asikasuhin ang nais ng dating amo, dahil sa hindi na niya magawa ang kanyang mandato bilang chairperson ng ERC bukod sa hindi na niya mapamunuan ang kanyang tanggapan.

Ayon naman sa isang nakamasid sa ERC, madalas raw sinasabi ni dimalanta ang Section 38 ng Republic Act 9136 o EPIRA law na lumikha sa ERC bilang “ independent, quasi-judicial regulatory body.”

Nakalagay – independent. Kaya hindi dapat madiktahan!

Ang madalas kayang patawag ng Malacañang ang dahilan kaya mabagal ang kilos ng ERC sa pag-aksyon sa mga inilalatag ng karibal sa negosyo ng kanyang dating amo?

Teka lang, paano nga ba naitalaga si Dimalanta sa ERC? Hindi kaya inihirit siya ng dating amo niya na ngayon ay nais niyang suwagin?

Sabi naman ng supporters ni dating VP Leni Robredo, kabilang sa hanay nila si Dimalanta na siya pang organizer ng malalaking rally ng una noong  elections 2022. Pinagtaksilan ba sila nito?

Aba, kung ganito ang gawain ni Dimalanta, tiyak na hindi magtatagal maiinis sa kanya ang Palasyo at magigising na lang siya na nasa labas na ng ERC ang kanyang mga gamit.