Home METRO Ayuda ng nat’l gov’t sa QC, panawagan ni Vargas matapos salantain ng...

Ayuda ng nat’l gov’t sa QC, panawagan ni Vargas matapos salantain ng bagyo

319
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas sa national government na maglaan ng pondo para sa pagsasaayos at paglilinis ng mga pangunahing lansangan sa lungsod na bahagi ng Quezon City Drainage Master Plan.

Ang panawagan ng konsehal ay matapos ang matinding pagbaha dulot ng habagat at bagyong Crising.

Sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules, inihayag din ni Vargas ang plano niyang maghain ng isang ordinansa para gawing departamento ang Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) para lalo pang palakasin ang kakayanan nito, at madagdagan ng mga tauhan at kagamitan.

Kaugnay nito, pinuri rin ni Vargas si Mayor Joy Belmonte sa kanyang “matatag at personal na pamumuno” sa gitna ng malawakang pagbaha na nagpalikas sa libo-libong residente.

Pinasalamatan din niya ang mga kawani ng QCDRRMO sa kanilang paglilingkod sa publiko at sa kanilang papel sa pagliligtas sa libo-libong residente partikular na sa ika-5 Distrito ng lungsod na may pinakamaraming nailikas na pamilya.

Samantala, bilang pinuno ng Disaster Risk Reduction Committee ng City Council, binigyang-diin ni Vargas ang kagyat na pangangailangan na lubusang ipatupad ang Drainage Master Plan ng lungsod at ang pagpapatayo ng mas maraming evacuation centers sa harap ng katotohanan na ang Climate Change na ang siyang new normal.

Ayon sa DOST-PAGASA, mula Hulyo 19 hanggang 21 ay binaha ang Metro Manila dahil lampas sa normal monthly average ang ulan dulot ng Habagat at bagyong Crising kung saan umabot ito sa 30 Olympic-sized swimming pools o limang Araneta Coliseum.

Sa Quezon City, umabot sa ₱125 milyon ang naging pinsala ng Habagat at bagyo, libo-libong pamilya din ang nawalan ng tirahan.

Ang ika-5 Distrito ang pinakamatinding naapektuhan kung saan nas 3,317 pamilya na katumbas ng 12,844 indibidwal ang naapektuhan ng malawakang pagbaha.

Kaugnay nito, inihayag ni Vargas ang kaniyang buong suporta sa Drainage Master Plan ng lungsod, isang komprehensibong plano na binuo katuwang ang UP Resilience Institute. Ang planong ito, na tinatayang aabot sa ₱27 bilyon, ay naglalayong solusyonan ang pagbaha sa mga lokal at pambansang kalsada sa lungsod.

Binigyang-diin ni Vargas ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng nasabing plano, anuman ang pagbabagong pulitikal. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here