MANILA, Philippines – Isang stay-in na empleyado ng isang motel ang ginahasa makaraang holdapin ang motel na pinagtatrabahuhan nito sa Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang biktima na si alyas Liz, 20, Cashier sa Pampangenous Inn sa Purok 3, Brgy. De Ocampo, ng nasabing lungsod.
Patuloy naman ang paghahanap sa dalawang suspek na nakasakay sa isang kulay puti na Honda beat at nakasuot ng kulay puting t-shirt, pulang helmet at naka-jacket.
Base sa ginawang imbestigasyon, bandang ala-1:40 kamakalawa ng madaling araw, pumasok ang mga suspek sa nasabing motel at nagpanggap na mga customer subalit ilang sandali lamang ay nagdeklara ng hold-up at tinangay ang mahahalagang gamit at cash na nagkakahalaga ng P2,950.
Napag-alaman na bago tumakas ang mga suspek ay dinala nila ang babaeng kahera sa kusina kung saan dito ginahasa hanggang tuluyang tumakas ang mga ito.
Nagsasagawa naman ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa agarang pagkakakilanlan ng mga suspek. MARGIE BAUTISTA