MANILA, Philippines – Kinilala ni Sen. Erwin Tulfo ang malaking kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang dollar remittances na patuloy na bumubuo ng malaking bahagi ng Gross Domestic Product ng Pilipinas.
“Ibig sabihin nito, ang ating ekonomiya ay nakakaraos at umuunlad dahil sa mga padala mula sa ating mga kababayan. Kung wala sila, malamang na guguho ang ating ekonomiya. Pero higit pa sa mga usaping pang-ekonomiya, nagsisilbi rin silang kinatawan ng ating lahi at nagbibigay-inspirasyon sa kanilang mga pamilya dito sa ating bansa,” sabi ni Tulfo.
Sa pagdinig ng Finance Subcommittee ngayong Lunes, Oktubre 6, 2025, na Dinaluhan ni Department Migrant Worker Sec Hans Leo Cacdac, tinalakay ang panukalang badyet ng Department of Migrant Workers at Commission on Filipino Overseas para sa taong 2026, sinabi ni Tulfo na may humigit-kumulang 10 milyong OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Napansin din ng senador ang mababang antas ng paggamit ng DMW.
“Matipid ba ang ating mga OFW? Mukhang mababa ang antas ng paggamit ng DMW. Kaya ang tanong namin, kung mababa, hindi ba nakuha ng ating mga OFW ang lahat ng gusto nila? At isa pa, ano ang inyong (DMW) kongkretong mga plano at proyekto para sa 2026 upang matiyak ang kapakanan, proteksyon, at dignidad ng bawat Pilipino sa anumang sulok ng mundo.” CESAR MORALES