Home NATIONWIDE Bagong logo ng DMW pinasinayaan

Bagong logo ng DMW pinasinayaan

200
0

MANILA, Philippines- Inilabas na ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes ang bagong logo nito na sumisimbolo sa pangako nitong suportahan ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

“The DMW logo embodies the wisdom, the courage, the dignity of our OFWs [overseas Filipino workers] under the Tahanan ng OFWs Worldwide,” pahayag ni DMW Undersecretary Dominique Rubia-Tutay sa paglulunsad ng Overseas Labor Market Situationer (OLMS) sa Makati City.

Sinabi ng opisyal na ang pula at asul na hugis ay naglalarawan ng mga kamay na sumasalamin sa tulong at patnubay ng ahensya habang ang pagsikat ng araw ay nagpapahiwatig ng pag-asa at mas magandang pagkakataon para sa mga OFW.

Sinabi rin ng DMW na ang bagong logo ay sumasaklaw sa misyon ng DMW na mag-alok ng pag-asa at mga bagong pagkakataon para sa mga OFW, habang ang pitong sinag ay kumakatawan sa pitong tanggapan ng pamahalaan na pinagsama sa ilalim ng DMW.

Kabilang sa mga ahensya ang Philippine Overseas Employment Administration, Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs of the Department of Foreign Affairs, ang International Labor Affairs Bureau, Philippine Overseas Labor Offices sa ilalim ng Department of Labor and Employment, National Maritime Polytechnic, National Reintegration Center for OFWs sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration, at ang Office of the Social Welfare Attaché sa ilalim naman ng Department of Social Welfare and Development.

Sinabi ni Tutay na ang mga kulay ng mga kamay na pinagsama sa araw at mga bituin ay bumubuo ng mga kulay ng watawat ng Pilipinas, na sumisimbolo sa pagkakaisa at pambansang pagmamalaki.

Ang mga pamilyang naiwan ng mga OFW ay kinakatawan ng puti, na nagsasabi ng mga sakripisyo ng mga manggagawang Pilipino na umalis ng bansa at magtrabaho sa ibang bansa.

Samantala, ang OFW ay kinakatawan ng dilaw na marka, na naglalarawan ng isang kuwento ng katapangan at determinasyon.

Idinisenyo ang logo ni John Jaeffer Javier, isang freelance graphic artist at miyembro ng pamilya ng isang OFW na nagtatrabaho bilang mekaniko sa Saudi, ayon kay Migrant Secretary Hans Leo Cacdac.

Ang disenyo ang siyang nagwagi sa kompetisyon na binuksan noong Nobyembre 2023.

Sinabi ni Cacdac na ang bagong logo ay itatampok sa website nito, mga social media platform, at sa lahat ng hinaharap na adbokasiya na kampanya ng departamento. Jocelyn Tabangcura-Domemden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here