Home OPINION BAGONG MAYNILA 2026: PAMUMUNONG MAY PUSO, SERBISYONG MAY DIREKSYON

BAGONG MAYNILA 2026: PAMUMUNONG MAY PUSO, SERBISYONG MAY DIREKSYON

296
0

SA ilalim ng pamumuno ni mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, muling ipinapakita ng Lungsod ng Maynila ang halimbawa ng isang lokal na pamahalaang may malinaw na direksyong tinutumbok at may malasakit sa mamamayan. Ang pag-apruba ng Php 32.96 bilyon Annual Investment Program (AIP) para sa taong 2026 ay hindi lamang patunay ng matatag na pamamahala, kundi isang kongkretong hakbang patungo sa inklusibong pag-unlad ng lungsod.

Bilang isang health advoca­te, tagapagtaguyod ng agarang serbisyo, at isa ring Manileña, labis kong pinahahalagahan ang katotohanang pinakamalaking ba­hagi ng pondo na mahigit Php 12.68 bilyon o 43% ay inilaan sa mga programang panlipunan.
Sa panahong patuloy na hinaharap ng lungsod ang hamon ng kahirapan, kakulangan ng tra­baho, at krisis sa kalusugan, napapanahon ang ganitong uri ng pamumuhunan.

Ang pagbibigay-prayoridad sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at proteksyon ng mga senior citizen, person with disabi­lities, solo parents, at iba pang sektor ay hindi lamang magbu­bunga ng kaginhawaan, kundi ng tunay na dignidad sa bawat Manileño.

Tama si mayor Domagoso nang sabihin niyang ang badyet na ito ay hindi basta numero sa papel, kundi isang “roadmap” patungo sa makatao at maunlad na lungsod. Sa totoo lang, ang ganitong pananaw ang dapat maging batayan ng bawat lider, ang kakayahang magplano na may puso at layuning magtulak ng positibong pagbabago sa li­pu­nan.

Bukod dito, kapuri-puri rin ang pagtutok ng AIP 2026 sa pagpapatatag ng imprastruktu­ra at modernisasyon ng mga ser­bisyo.
Ang pagsasaayos ng mga lan­sangan, pagtatayo ng mga bagong health centers, at pagpapalawak ng digital transformation projects ay malinaw na indikasyon na nakatuon ang May­nila sa kinabukasan. Hindi lamang ito tungkol sa pag-aayos ng mga gusali o sistema, ito ay tungkol sa pagbibigay ng mas mabilis, episyente, at makabagong serbisyo para sa bawat residente.

Isa rin sa mga dapat big­yang-pansin ay ang pagpapa­la­kas ng disaster resilience prog­rams, lalo na’t palaging ti­natamaan ng baha at kalamidad ang lungsod. Ang ganitong inisyatiba ay isang anyo ng responsableng pamumuno na handa sa sakuna, at handang magligtas ng buhay. Kinakaila­ngan na rin ang paghahanda para sa kinatatakutang “The Big One” na ayon sa mga eksperto ay maaaring maganap habang papalapit ang taong 2058 dala na noong 1658 pa huling guma­law ang West Valley Fault Line.

Ngunit higit sa lahat, kaha­nga-hanga ang panawagan ni mayor Domagoso para sa pagkakaisa. Ang tagumpay ng AIP 2026 ay hindi lamang nakasa­lalay sa liderato ng alkalde, kundi sa pakikilahok ng bawat Barangay, konsehal, at mamamayan. Ang “badyet ng pag-asa at katarungan” na binanggit niya ay magiging totoo lamang kung sama-samang kikilos ang buong lungsod.

Para sa akin, ang Annual Investment Program ng Maynila para sa 2026 ay isang inspirasyon hindi lang para sa mga Manileño, kundi para sa lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa. Isang patunay na kapag ang pamumuno ay may malasakit at malinaw na bisyon, ang progreso ay hindi lamang posible, ito ay tiyak na mangyayari.

Kaya dapat samahan ng ba­wat Batang Maynila ang masipag at masigasig na si mayor Domagoso para maging ganap na tagumpay ang pagkakamit ng muling pagtahak ng lungsod bi­lang isang “great city” na siyang nararapat sa estado nito bilang kapitolyo ng bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here