Home METRO Bagong NBI director nagbalik-tanaw sa pagbisita sa MPD

Bagong NBI director nagbalik-tanaw sa pagbisita sa MPD

Namasyal at nag-ikot kasama ni Manila Police District Director PBGEN. Arnold Thomas Ibay si dating MPD SWAT sharp shooter at ngayon ay itinalagang NBI Director na si Jaime Santiago. Binalikan ni Santiago ang dati niyang tahanan bilang alagad ng batas. Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Bumisita sa Manila Police District Headquarters ang bagong hirang na National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Jaime Santiago.

Mainit naman siyang sinalubong ni MPD Director Police Brig. General Arnold Thomas Ibay at ilang opisyal ng kapulisan sa Maynila at media na dati na ring nakasama ng tinaguriang “the sharp shooter” ng Manila’s Finest.

Nilibot ni Santiago ang mga tanggapan ng pulisya ng MPD una na rito ang Special Weapon And Tactics (SWAT) kung saan siya naging miyembro.

Tinungo rin niya ang opisina ng Homicide Section, Thief and Robbery, GAIS bago tumuloy sa opisina ni MPD Chief Ibay.

Nagbalik-tanaw ang bagong direktor ng NBI sa MPD headquarters at inalala ang lahat ng kanyang naging karanasan bilang isang pulis.

Nakilala ang pangalan ni Santiago sa mga serye ng hostage taking sa Maynila noong 1996 kung saan isinapelikula pa ang ilan.

Nagsilbi rin siya bilang intelligence officer at miyembro ng Special Weapons and tactics (SWAT) team ng WPD noong 1979 hanggang 2000 at sumailalim sa special training sa US Federal Bureau of Investigation.

Bukod dito, naging dating deputy executive Vice President siya ng Philippine Judges Association at dating President ng Metropolitan at City Judges Association of the Philippines.

Pinangalanan siya bilang isa sa 10 Outstanding Policemen ng Pilipinas ng Philippine Jaycees noong 2009 at Outstanding Criminologist ng Professional Regulation Commission noong 2012.

Bilang bagong NBI director, nais ni Santiago na labanan ang cybercrime sa dami na rin ng nagaganap na scam sa bansa.

Sinabi rin niya na kanyang hahabulin ang mga indibidwal na nagtatago sa batas. Gayundin, nais nitong pagbutihin pa ang serbisyo ng NBI at ibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya. Jocelyn Tabangcura-Domenden