Ang bagong obispo ng Baguio City ay naordinahan sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City noong weekend, ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Pinangunahan ni Archbishop Socrates Villegas ang pagtatalaga kay Father Rafael Cruz, 64, bilang Obispo noong Setyembre 7. Nagsilbing co-consacrators sina Arsobispo Victor Bendico ng Capiz at Bishop Jesse Mercado ng Parañaque.
Samantala, binigyang-diin ni Villegas sa kanyang homiliya na ang pinakamahalagang tungkulin ng isang obispo ay “maging halimbawa sa kawan, hindi panginoon sa mga itinalaga sa iyo.”
Si Cruz ay iluluklok bilang ikatlong obispo ng Baguio sa isang misa sa Cathedral of Our Lady of the Atonement sa Setyembre 17. Siya ang hahalili kay Archbishop Bendico, na nagsilbi sa diyosesis mula 2017 hanggang sa kanyang paglipat sa archdiocese ng Capiz noong 2023.
Kumuha ng Philosophy sa San Pablo Regional College Seminary, Baguio City, Bangued, na tumanggap ng Bachelor of Arts in philosophy. Kumuha rin siya ng teolohiya sa Immaculate Conception School of Theology, Vigan City, Ilocos Sur, na tumanggap ng Bachelor of Sacred Theology.
Si Cruz ay naordinahan bilang pari noong Setyembre 8, 1985 para sa archdiocese ng Lingayen-Dagupan.
Pagkatapos ay ginawaran siya ng Master of Arts sa counseling psychology at Doctor of Philosophy sa clinical psychology mula sa Ateneo de Manila University. Nagkaroon siya ng kanyang residency training program sa Loyola University of Chicago at sa Carl Jung Institute of Evanston, Illinois.
Nagsilbi bilang deputy parish priest ng Saint Peter and Paul, Calasiao, Pangasinan, chaplain ng Our Lady of Remedies Chapel, Quezon City, visiting professor sa Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University (1999-2004), at spiritual director at psychologist advisor sa mga seminarians ng territorial prelature ng Batanes.
Naging guro sa Center for Family Ministries, Ateneo de Manila, spiritual director at teacher sa Mary Help of Christians High School Seminary at Mary Help of Christians College Seminary, parish priest at vicar forane ng Saint Thomas Aquinas, Mangaldan, Pangasinan at mula 2022 siya ay vicar forane, miyembro ng Permanent Committee for the Protection of Minors, bukod sa iba pa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)