Home NATIONWIDE Bagong oil spill namataan sa Pola, OrMin

Bagong oil spill namataan sa Pola, OrMin

Namataan ang bakas ng oil spill sa dalawang baybayin ng Pola, Oriental Mindoro martes ng umaga.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), umabot sa 650 metro ang naapektuhang area sa Barangay Buhay na Tubig partikular sa baybaying dagat ng Sitio Proper I, Sitio Proper II, at Sitio Batalan Ibaba.

Ito ay base sa joint coastal assessment ng Environmental Protection Unit ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Oriental Mindoro.

Naapektuhan naman ang 100 metro ng baybayin ng Sitio Proper sa Barangay Bacawan, 100 metro ang naapektuhang baybayin ng Sitio Proper, 100 metro sa Sitio Recodo, at 50 metro sa Sitio Munting Buhangin.

Lubos itong nakakaapekto sa mga residente dahil sa mabahong amoy ng langis mula sa dagat.

Tatlong sako na rin ng “oil-contaminated debris” , ang nakolekta ng mga awtoridad.

Inaalam na ng PCG Marine Environmental Protection kung saan nagmula ang langis.

Ayon kay Capt. Airland Lapitan maaring may barko na nag-discharge ng langis o aksidenteng may natapon na langis.

Impossible rin umanong nagmula ang tagas sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress dahil matagal na aniyang walang lamang langis ang tanker.

Kumuha na ng sample ng langis ang PCG Marine Environmental Protection para sa pagsusuri. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)