MALABON, Philippines – Binuksan na sa publiko ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang San Lorenzo Ruiz General Hospital (SLRGH) na makabagong anim na palapag na gusali na handang maglingkod para sa bawat Malabueños na nangangailangan ng kalinga, at maging sa mga karatig-lungsod.
Pinanguhann nina Mayor Jeannie Sandoval at First Gentleman Ricky Sandoval, kasama si DOH Asst. Regional Director Karen B. Fernandez at iba pang mga opisyal ng pamahalaang lungsod ang pagpapasinaya sa SLRGH.
“Ang San Lorenzo Ruiz General Hospital, na ngayon ay mas moderno at makapagbibigay ng mas komprehensibong serbisyo para sa mas maraming Malabueño. Ngayon, kasabay ng mga programa ng pamahalaang lungsod, ay mas makakasisiguro ang ating mga kababayan sa kanilang kalusugan,” ani Mayor Jeannie.
Ayon pa sa alkalde, ang SLRGH bilang isang Level 2 General Hospital ay may 200-bed capacity at mas modernong pasilidad gaya ng operating rooms, ICU, labor room at iba pa, para mas matugunan at masigurong ligtas, moderno, at abot-kamay ang serbisyo para sa lahat.
Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ni dating Cong. Ricky Sandoval, ang pangunahing nagsulong ng pagiging moderno ng hospital para sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa Malabueños.
“Ito ay bunga ng sama-samang pagtutulungan para sa mas ligtas, mas malusog, at mas maunlad na Malabon”, pahayag ni Mayor Sandoval. (Merly Duero)