Home NATIONWIDE Bagong party-list seat ng Gabriela kinwestyon ng NTF-ELCAC

Bagong party-list seat ng Gabriela kinwestyon ng NTF-ELCAC

334
0

Manila, Philippines- Nagpahayag ng pag-aalala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) hinggil sa desisyon ng Commission on Elections na iproklama ang Gabriela Women’s Party bilang ika-64 na kinatawan ng party-list sa Kamara na maaaring lumabag sa hangganang itinakda ng Konstitusyon at makasira ng tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon.

Binigyang-diin ni NTF-ELCAC Executive Director Ernesto C. Torres Jr. na malinaw na nililimitahan ng Konstitusyon ang bilang ng party-list seats sa 20 porsyento ng kabuuang miyembro ng Kamara. Sa 317 na kasapi ng ika-20 Kongreso, ang pinakamataas na bilang ay 63 at ang paglikha ng ika-64 na upuan ay lampas sa pinahihintulutan ng batas.

“Hinahamon namin ang Comelec na ipaliwanag kung paano tumutugma ang desisyong ito sa batayang batas na kanilang sinumpaang panatilihin, sapagkat ang paglabis sa itinakdang limitasyon ay naglalagay sa panganib ng integridad ng institusyon,” diin ni Torres.

Binigyang-diin ng task force na lalong nagiging kontrobersyal ang desisyon dahil sa benepisyaryo nito. Ang Gabriela Women’s Party, isang organisasyong may kaliwang paninindigan, ay may nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon na inihain pa noong 2019.

Iginiit ng NTF-ELCAC na nakasalalay ang kredibilidad ng mga demokratikong proseso sa mahigpit na pagsunod sa mga pananggalang ng Konstitusyon at sa masusing pagsusuri ng mga kandidato.

Nanawagan ito sa Comelec na muling pagtibayin ang “sagradong tungkulin bilang tagapag-ingat ng halalan at demokratikong proseso” at tiyakin na ang mga desisyon nito ay nakaangkla sa konstitusyonal na prinsipyo

Inaasahang muling sisiklab ang debate hindi lamang sa mekanismo ng party-list allocation kundi pati na rin sa papel ng mga organisasyong may kasong diskwalipikasyon sa paglahok sa paggawa ng batas.

Habang lumalalim ang kontrobersya, nakatuon ang lahat ng mata sa Comelec upang magbigay-linaw sa kanilang proklamasyon at patunayan na nananatiling buo ang integridad ng demokrasya sa Pilipinas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here