MANILA, Philippines – Binuksan na sa mga motorista ang Kaingin Service Road sa Parañaque na kumukunekta sa Multinational Road patungong CAVITEX C5 Link Flyover Extension/Merville/C5 na magpapagaan ng daloy ng trapiko gayundin ang mabilis na pagbibiyahe patungo at pabalik ng CAVITEX C5 Link/Taguig.
Ang pagbubukas ng bagong service road ay matagumpay na nakumpleto at naiturn-over na sa lokal na pamahalaan ng Parañaque nitong nakaraang Martes, Nobyembre 19.
Ang mga bumibiyahe na mga nakamotorsiklo na manggagaling sa Cavite at Las Pinas na malimit na magtungo sa Taguig City ay maaaring dumaan sa C5 Extension patungong Merville dahil ito ang pinakakonbinyente at pinakamaiksing biyahe patungo ng C5.
Samantala, magkakaroon ng kaunting pagkaabala sa trapiko pagdating sa Kaingin Road paglampas ng Multinational Village dahil ang anim na lane ng C5 Extension ay magiging dalawa na lamang na magdudulot ng bottleneck at pagsikip ng trapiko.
Sa kasalukuyan, sa tulong ng proyekto ng CAVITEX Infrastructure Corporation (CIC), ang bagong service road na ginawa malapit sa Manila International Airport perimeter fence ay inaasahang magpapagaan ng daloy ng trapiko sa lugar.
Ang naturang proyekto ay inaasahang magpapaigting ng connectivity at magbibigay ng mas maayos na daloy ng trapiko para sa mga motorista ng dumadaan sa bisinidad ng Parañaque, Taguig at Las Piñas. James I. Catapusan