MANILA, Philippines – Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Samuel nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 9, ngunit makararanas pa rin ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dahil sa Amihan at Easterlies.
Ayon sa PAGASA, nakalabas ng PAR ang bagyong Samuel, na may international name na Cempaka, bandang alas-4 ng hapon, wala pang walong oras matapos pumasok sa teritoryo ng pagbabantay ng bansa.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,415 kilometro silangan-hilagang-silangan ng dulong Hilagang Luzon, taglay ang lakas ng hanging 130 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras.
Hindi inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon sa Pilipinas ang bagyo.
Gayunman, magdadala ang Northeast Monsoon o Amihan ng pag-ulan sa Aurora, Quezon at Camarines Norte, habang makararanas ng mahinang ulan ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Samantala, magdudulot ang Easterlies ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat sa Caraga, Davao Region, Eastern Samar, Southern Leyte, Bohol, Misamis Oriental at Camiguin.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa Metro Manila, Ilocos Region at iba pang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan.
Nagbabala rin ang PAGASA sa malalakas na pagbugso ng hangin dulot ng Amihan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas hanggang Miyerkules, Nobyembre 11.
Pinayuhan ang mga gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat sa paglalayag dahil sa posibleng maalong karagatan.
Patuloy namang kikilos pahilagang-silangan ang Samuel sa Karagatang Pasipiko at inaasahang lalakas pa bago tuluyang humina. RNT