GRABE ang basurang bumulaga noong kasagsagan ng malawakang pagbaha sa Metro Manila. Krisis sa basura na sinasabing dulot ng kakulangan sa disiplina at korapsyon sa ilang local government unit.
Toneladang basura, samahan pa ng malalim na baha, kaya muli nating itanong: Nasaan ang bilyon-bilyong pisong sinasabing ginastos para sa flood control, garbage collection at waste disposal?
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, ang local garbage collection at waste management contracts ay kabilang umano sa pinakamalalaking negosyo at pangunahing pinagmumulan ng korapsyon para sa mga mayor sa buong Pilipinas. Sinabi rin ng ilang mambabatas na ang hindi nakokolektang basura, na iniuugnay sa mga anomalya sa kontrata, ay nagpapalala ng matinding pagbaha.
Ibig sabihin, kapag malakas ang ulan o may bagyo, dalawang corruption-related problems ang maaaring magpalala sa paghihirap ng taumbayan: BAHA AT BASURA.
Baha dahil sa sinasabing anomalya sa flood-control projects. Basura naman dahil sa umano’y problema sa mga kontrata ng LGU para sa garbage collection at disposal.
Kaya ang tanong: Mag-iimbestiga ba ang Ombudsman sa mga LGU tungkol sa pondong inilaan para sa basura?
Kung may nakurakot, magkano? Sino ang nakinabang? May mga kontratang pinasok ba na hindi naman katumbas ng serbisyong natanggap ng publiko?
Mahalaga ang mga tanong na ito, ngunit hindi rin dapat agad hatulan ang sinoman. Ang mga alegasyon ay kailangang suportahan ng ebidensiya at dumaan sa tamang imbestigasyon.
Dahil sa ulan, lumilitaw hindi lamang ang kahinaan ng ating flood-control at waste-management systems kundi pati ang posibilidad ng mga anomalya sa paggamit ng pondo.
Kung may mga opisyal o kontratistang mapatutunayang sangkot sa pandarambong, panagutin sila.
Pero para sa administrasyon at mga kaalyado nito, mas mahalagang unahin ang impeachment ni Vice President Sara Duterte. Sana lang, habang abala sila sa impeachment ni VP Sara, huwag kalimutan ng administrasyon ang problemang literal na lumulunod at bumabaon sa basura sa taumbayan.
Dahil kapag baha at basura ang kaharap ng Pilipino, serbisyo at pananagutan ang kailangan—hindi pulitika lamang.






