MANILA, Philippines- Inaasahang muling bubuksan sa mga motorista ang ibabaw na bahagi ng southbound lanes ng Kamuning Flyover sa susunod na buwan, ayon sa Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) nitong Biyernes.
“Baka August mabuksan na natin ‘yung ibabaw,” pahayag ni DPWH-NCR Regional Director Loreta Malaluan sa isang panayam.
“Ahead of schedule tayo kasi ang sinabi natin ‘yung pang-ibabaw… nung una ang sinabi natin mga October tayo matatapos. Pero inaasahan natin na before the end of August tapos na natin para mapadaanan natin sa ating mga behikulo,” dagdag ng opisyal.
Samantala, inaasahang makukumpleto ang retrofitting ng ilalaim na parte ng flyover bago o sa pagtatapos ng taon.
“’Yung ilalim naumpisahan na rin natin. We are expecting na before the end of the year, matatapos na natin ‘yun kasi may ilalagay na tinatawag na SP chain para sa earthquake preparation for the Big One,” wika pa niya.
Sinabi ni Malaluan na sunod na aayusin ng DPWH-NCR ang Magallanes Flyover na nakatakdang palitan ang expanion joints.
“Kung mauumpisahan ng August…sa pagtatapos sa ibabaw ng Kamuning, inaasahan natin na ang unang kontrata niya ay March 2025 magtatapos but we’re expecting before the end of the year matatapos din natin,” patuloy niya.
Nauna nang naglabas ng Metropolitan Manila Development Authority ng alternate routes sa publiko habang sarado pa ang Kamuning Flyover. RNT/SA