SAMAR, Philippines – Gumuho nitong Martes ang bahagi ng konkretong tulay na nagkakahalaga ng P512 milyon at kasalukuyang ginagawa sa bayan ng Gandara matapos bumigay ang dalawang girder habang inaalis ang isang roller attachment.
Ayon sa kontratista ng proyekto, walang manggagawang nasaktan sa insidente.
Matapos ang insidente, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad rumesponde at tiyaking ligtas ang lahat ng tauhan sa lugar.
Iniutos naman ni Public Works Secretary Giovanni Lopez ang pagpapadala ng technical team upang inspeksyunin ang Gandara Parallel Bridge Project at tukuyin ang mga kinakailangang hakbang upang maitama ang problema.
Ayon sa DPWH, inako ng kontratista ang buong responsibilidad sa insidente at tiniyak na walang karagdagang gastos na ipapasa sa pamahalaan para sa pagpapalit ng mga gumuhong girder.
Nagbabala rin ang ahensya na papatawan ng mabigat na parusa ang kontratista kung mapatutunayang depekto sa konstruksyon ang sanhi ng pagguho.
May habang 166 metro ang Gandara Parallel Bridge at itinatayo upang palitan ang lumang tulay na itinayo noong 1968 sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Isinara sa trapiko ang lumang tulay noong Oktubre 2020 matapos itong magkaroon ng matinding pinsala sa istruktura dahil sa isang overloaded truck na lumampas sa 18-toneladang weight limit nito.
Noong Pebrero ngayong taon, ininspeksyon ni dating DPWH Secretary Vince Dizon ang nagpapatuloy na rekonstruksyon ng tulay na naantala, dahilan upang mahigit anim na taon nang gumamit ng alternatibong ruta ang mga motorista. RNT/MDS