MANILA, Philippines – TINABLA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ilang kongresista na nagpahayag ng kahandaan na muling magtipon ang bicameral conference committee para amiyendahan ang panukalang 2025 budget matapos ratipikahan.
Hayagang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview na ang mga mambabatas ay ‘no longer have a hand’ sa panukalang 2025 budget matapos ulanin ng kritisismo ang ginawang pagtapyas ng mga ito sa mga ahensiya na nagbibigay ng serbisyong panlipunan.
“Hindi… Wala sa procedure ‘yan. There is no procedure to return it to the bicam. It’s finished already in the House, it’s finished already in the—it’s finished in Congress. Tapos na,” ayon sa Pangulo.
Binigyang diin ng Pangulo na ang budget ay nakasalalay na ngayon sa Ehekutibong sangay ng pamahalaan.
“So, it’s up to us now to look at the items and to see what are appropriate, what are relevant, and what are the priorities,” aniya pa rin.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ay maaari at mayroong kapangyarihan na mag-veto ng “[a] particular item or items in an appropriation, revenue, or tariff bill” subalit hindi maaaring magdagdag sa batas na naka-enroll na para pirmahan.
Maaari ring I-veto ng Pangulo ang buong batas, nangangahulugan na muling sisimulan ang legislative process para rito.
Sa kabilang dako, inamin ng Pangulo na hindi siya masaya sa ginawa ng mga kongresista sa pagtapyas sa budget ng Department of Education (DepEd).
Nauna rito, ipinagpaliban ng Office of the President (OP) ang iskedyul ng paglagda sa panukalang 2025 budget bunsod na rin ng mas masusing pagrerebisa habang kinukumpirma na may ilang items ang ibe-veto.
Sa gitna ng pagkaantala, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ang batas ay lalagdaan upang maging ganap na batas bago pa matapos ang taon.
Ang kabiguan na lagdaan ang bagong budget law ay nangangahulugan ng reenactment ng 2024 budget, dahilan para ang mga bagong programa at proyekto ay hindi mapondohan sa ngayon.
“I think we’ll be able to do it before the year ends,” anito. Kris Jose