Home METRO Balotang naimprenta nasa 14M na – Comelec

Balotang naimprenta nasa 14M na – Comelec

(via Danny Querubin)

MANILA — Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit 14 milyong opisyal na balota na ang naiprinta para sa darating na 2025 national at local elections (NLE) noong Huwebes, Pebrero 6.

Ayon sa datos ng Comelec, aabot na sa 14,747,766 balota, o 20.45% ng kinakailangang 72 milyong balota, ang naiprinta. Nangangahulugang may 57,359,654 pang balota na kailangang iprinta.

Nagsimula muling mag-imprenta ng mga opisyal na balota noong Enero 27, matapos itong masuspinde nang pansamantala dahil sa temporary restraining order ng Korte Suprema kaugnay ng diskwalipikasyon ng ilang kandidato.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang layunin ng poll body ay mag-print ng hindi bababa sa 1.8 milyong balota araw-araw, na lumampas sa orihinal na target na 1.5 milyong balota kada araw, at inaasahan nilang matatapos ang pag-imprenta sa Abril 14.

Habang on track ang imprentahan, binanggit ni Garcia na mabagal ang proseso ng beripikasyon. “Halimbawa, mayroong kaming 8 milyong balota sa isang araw, pero ang aming beripikasyon, ay nasa 2 milyon hanggang 3 milyon lang. Mabagal iyon,” paliwanag ni Garcia.

Upang mapabilis ang manual verification, ipinasok ang National Printing Office (NPO) at ginagamit ang apat na makina mula sa NPO at dalawang makina mula sa South Korean firm na Miru Systems Inc. Bilang karagdagang tulong, inialok ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang Amoranto Stadium bilang lugar para sa manual verification ng mga balota. RNT