MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Bam Aquino na ang 2026 national budget ay isang malaking tagumpay para sa edukasyon at sa kabataang Pilipino, kung saan P1.35 trilyon ang inilaan para sa edukasyon, ang pinakamalaking pondo para sa edukasyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Aquino, na bumoto pabor sa ratipikasyon ng 2026 budget, ang makasaysayang pondo ay magreresulta sa konkretong suporta para sa mga estudyante sa buong bansa.
“Mas maraming estudyanteng makikinabang sa dagdag na silid-aralan at libreng pagkain, pati na sa pinataas na pondo para sa libreng kolehiyo, at pinansiyal na tulong sa RLE ng nursing at health science students,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education
Kasama sa P1.35-trilyong badyet para sa edukasyon – na mas mataas sa halos P1 trilyon ngayong 2025 – ang P67 bilyon para sa implementasyon ng Republic Act No. 10931, o ang Free College Law na kanyang inakda. Kabilang sa halaga ang dagdag na pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES) o allowance para sa mahihirap na estudyante.
Naglaan din ang budget ng P68 bilyon para sa konstruksyon ng mga silid-aralan (mula P18 bilyon), at P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program (mula P11.7 bilyon).
Kasama rin sa 2026 national budget ang panukala ni Aquino na maglaan ng P500 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, para sa Financial Support para sa RLE Requirements sa Allied Health Sciences Programs.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang senador sa iba’t ibang grupo at indibidwal na tumulong sa pagbabantay at pagprotekta sa proseso ng badyet.
Gayunman, binigyang-diin ni Aquino na hindi nagtatapos sa pagpasa ng budget ang responsibilidad, kasabay ng panawagan sa publiko na manatiling mapagbantay upang matiyak na maipatutupad nang tama ang pondo.
“Subalit hindi rito nagtatapos ang ating tungkulin. Patuloy tayong maging mapagbantay upang matiyak na ang pondo ay magagamit nang tama at hindi mapupunta sa bulsa ng mga tiwali sa pamahalaan,” wika niya.
“Sama-sama nating siguruhin na ang pondo ay mapupunta sa edukasyon—hindi sa korapsyon,” aniya. Ernie Reyes