Home METRO Bamban officials iimbestigahan ng DOJ kung dawit sa sinalakay na POGO hub

Bamban officials iimbestigahan ng DOJ kung dawit sa sinalakay na POGO hub

MANILA, Philippines- Sisilipin ng Department of Justice ang posibleng criminal liability ng local officials sa Bamban, Tarlac, kaugnay ng operasyon ng sinalakay na scam hub sa munisipalidad.

Inihayag ni Justice Undersecretary Nicky Ty na lumikha ang Department of the Interior and Local Government ng task force upang imbestigahan ang mga lokal na opisyal ng Bamban para sa posibleng administrative offenses.

“So kami naman dito handa na kaming mag-umpisa ng imbestigasyon na kriminal sa posibleng liability, posibleng pananagot ng mga local officials sa Bamban, at kasama si mayor doon,” pahayag ni Ty sa isang press briefing.

Noong Marso, nasagip ng mga awtoridad ang mahigit 800 Pilipino at mga dayuhan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Bamban matapos itong salakayin dahil sa umano’y mga ilegal na aktibidad kabilang ang crypto at love scams.

Inakusahan ni Senator Sherwin Gatchalian si Bamban Mayor Alice Guo ng posibleng pagkakasangkot sa POGO hub, kung saan binanggit ang Sangguniang Bayan Resolution na nagsasaad na si Guo, na pribadong mamamayan pa lamang noon, ay nag-apply umano ng lisensya para sa operasyon ng Hongsheng Gaming Technology Inc.

Itinanggi naman ni Guo ang pagkakadawit sa operasyon ng POGO hub.

“Dapat talaga masusing imbestigasyon ang gagawin natin at yun ang mangyayari no. So sa ngayon, hihintayin natin ang members ng task force. Inatasan na natin ang isang grupo ng mga piskal at mga pulis na imbestigahan ang liability ng local officials,” aniya. RNT/SA