MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang inihain ni Navotas City Rep. Toby Tiangco na nagsusulong ng tuluyang pag-ban sa paggamit ng number 8 protocol o courtesy license plates ng mga mambabatas
Noong 17th Congress unang inihain ang kaparehas na panukala subalit hindi ito umusad sa Committee level, umaasa si Tiangco na ngayong 20th Congress ay maitutulak ang pagsasabatas ng House Bill (HB) No. 7599.
Sinabi ni Tiangco na marami nang insidente ng pang-aabuso sa mga nakalipas na taon sa paggamit ng Number 8 protocol plate kaya upang tuluyan ang maiwasan ang kaparehas na insidente ay dapat tuluyan na itong alisin.
“As lawmakers, members of the House of Representatives should set a good example by passing a law that will curtail a privilege presently granted to them and that would put them on equal status with other vehicles on the road,” ani Tiangco.
Iginiit pa niya na may ilan din na illegal na gumagamit ng protocol plates at sa dami ng naisyuhan na ng Number 8 plate ay hindi na matukoy kung lehitimo na mambabatas ang gumagamit nito o hindi.
Sa ilalim ng panukala ni Tiangco ay hindi na mag-iisyu ng Number 8 plate ang Land Transportation Office at ang mga naisyuhan ay awtomatikong kakanselahin.
Sa oras na maisabatas, sinumang lalabag ay maaaring patawan ng multa an P25,000 o pagkakakulong ng 6 na buwan bukod pa sa maaaring disciplinary action na ipapataw ng Kamara sa miyembro nito na lalabag. Gail Mendoza