MANILA, Philippines – Inalis na ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban na ipinatupad sa importasyon ng wild at domestic birds, kabilang ang poultry products mula Japan dahil sa mga kaso ng bird flu.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Hulyo 31, sinabi ng DA na nag-isyu si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng Memorandum Order No. 31 na pumapayag sa pagbabalik ng importasyon ng birds at poultry products, kabilang ang day-old-chicks at hatching eggs mula Japan.
Matatandaan na noong Enero ay nag-isyu ng importation ban ang DA matapos na iulat ng Japan Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ang outbreak ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu sa World Organization for Animal Health (WOAH) noong Nobyembre 28, 2023.
Ayon sa DA, ang pag-aalis ng ban ay dahil sa sinabi ng Japan na naresolba na nito ang mga naunang kaso ng HPAI at wala nang iniulat na karagdagang kaso ng bird flu mula pa noong Hunyo 2, 2024.
Iniulat ng Japan ang kauna-unahang kaso ng H5N1 subtype ng bird flu virus noong Nobyembre 8, 2023. RNT/JGC