BULACAN, Philippines – Isang hindi nakikilalang bangkay ng lalaking may mga tattoo ang natagpuan sa gilid ng kalsadang madamo sa bayan ng Norzagaray nitong Hulyo 12 taong kasalukuyan.
Sa report ng pulisya, ang bangkay na tadtad ng tattoo ay nakasuot ng boxer shorts at may takip na sandong asul sa mukha.
Ayon sa report, nadiskubre ang bangkay bandang 6:30 ng umaga sa Sitio Lingunan, Brgy. Partida ng nasabing bayan.
Nabatid na isang concerned citizen ang nagreport sa pulisya hinggil dito na agad pinuntahan ng mga awtoridad hanggang sa tumambad sa kanila ang nakahandusay na bangkay.
Dahil dito, nagsagawa na ng pagsisiyasat ang mga awtoridad sa lugar para sa pagkakakilanlan ng bangkay at mapanagot ang nasa likod nito.
Sinasabing sobrang dilim tuwing sasapit ang gabi sa naturang lugar na pinagtagpuan ng bangkay. (Dick Mirasol III)