MANILA, Philippines – Inaalam pa ng Taguig City Police Station ang motibo sa pagkamatay ng isang babaeng burdado ng tattoo na natagpuan sa isang creek sa Purok 5, Bgy Tanyag, Taguig City bandang 12:30 ng tanghali nitong Biyernes, Hulyo 24, 2026.
Ang bangkay ng babae ay mayroong black band tattoo na may geometric at tribal -inspired pattern sa kanyang kanang binti at tattoo na naglalarawan ng dilaw na araw na may pula at asul na silahis na napapalibutan ng apat na itim na bituin.
Ang katawang wala nang buhay ay natagpuan nakabalot sa isang itim na plastic garbage bag sa loob ng isang asul na maleta.
Tinatayang nasa 35–40 na taong gulang ang babae at nakasuot ng asul na short pants at itim na short-sleeved blouse na may puting printed pattern.
Ang mga labi ng biktima ay nakalagak ngayon sa Loreto Funeral Homes para isailalim sa autopsy at karagdagang pagsusuri upang matukoy ang sanhi at paraan ng pagkamatay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Taguig City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima, mahanap ang kanyang pamilya, at malaman ang buong pangyayari sa insidente. Dave Medina