DAVAO CITY, Philippines — Malugod na tinanggap ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa awtonomiya ng Bangsamoro, kabilang ang mga demokratikong institusyon at prosesong pampolitika nito.
Ayon kay Macacua, pinagtitibay ng paninindigan ng Pangulo ang karapatang nagsimula sa ilang dekada ng pakikibaka, sakripisyo at patuloy na pagsisikap para sa kapayapaan.
“This principled position powerfully affirms the autonomy rightfully earned through decades of struggle, sacrifice, and unwavering commitment to peace,” ani Macacua.
Dagdag niya, tungkulin ng lahat na pangalagaan at palakasin ang awtonomiya sa pamamagitan ng mga prinsipyo ng Moral Governance.
Binigyang-diin din ni Macacua na ang paggalang sa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament na pumili ng sariling liderato at magtakda ng direksyon nito alinsunod sa Bangsamoro Organic Law ay pagpapakita ng mahusay na pamumuno, kahandaang pampolitika at paggalang sa demokratikong kagustuhan ng mga mamamayan ng Bangsamoro.
Nangyari ito matapos batiin ni Marcos ang mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament at kilalanin ang pagkakabuo ng koalisyon ng 46 na miyembro kasunod ng unang parliamentary elections sa rehiyon.
Nakatakdang simulan sa Oktubre 30 ang paglipat sa regular na Parliament. Sinabi ni Macacua na patuloy na makikipagtulungan ang pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pambansang pamahalaan, civil society at iba pang sektor upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang inklusibo at napapanatiling pag-unlad.
“As we enter this new chapter in our history, let us move forward with unity, discernment, mutual respect, and a renewed sense of shared responsibility,” aniya.
Hiniling din niyang manaig ang pagkakaisa sa halip na pagkakaiba sa politika upang makabuo ng mapayapa, maunlad at sariling-pinamamahalaang Bangsamoro.
Samantala, sinabi ni Marcos na iginagalang ng pambansang pamahalaan ang kapangyarihan ng Parliament na pumili ng mga lider nito alinsunod sa Bangsamoro Organic Law. Binati rin niya ang 80 bagong halal na miyembro at tiniyak ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa hangarin ng rehiyon para sa tunay na awtonomiya at pangmatagalang kapayapaan. RNT/MDS