Home METRO Bantang pambobomba ng eskwelahan sa Pateros, iniimbestigahan ng SPD

Bantang pambobomba ng eskwelahan sa Pateros, iniimbestigahan ng SPD

2
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng Southern Police District (SPD) na ang lahat ng ulat at mga kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y mga pamamaril at banta ng pambobomba sa mga paaralang nasasakupan nito ay “itinuturing nang may pinakamataas na antas ng agarang aksyon.”

Kaugnay nito ay sinuspinde ng munisipalidad ang face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Pateros nitong Martes (Hulyo 21) matapos kumalat sa social media ang mga banta ng pambobomba.

Nauna nang isinuspinde ang klase sa Pateros National High School (PNHS) at Pateros Elementary School (PES) matapos lumabas ang isang post sa TikTok na naglalaman ng umano’y banta ng pambobomba laban sa naturang high school.

Agad namang nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Pateros Police, Special Weapons and Tactics (SWAT) team, at Explosive Ordnance Disposal (EOD/K9) unit sa PNHS, ngunit wala silang natagpuang anumang pampasabog o ebidensiyang nagpapatunay na may aktuwal na banta.

Ayon sa SPD, nagsasagawa ito ng masusing imbestigasyon, intelligence validation, at security operations upang matukoy ang katotohanan ng mga naturang banta at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, kawani ng paaralan, at ng publiko.

Upang higit pang mapanatili ang seguridad sa mga paaralan, sinabi ng SPD na pinalakas nito ang presensya ng mga pulis, mobile patrols, at mahigpit na security monitoring sa paligid ng mga institusyong pang-edukasyon.

Nagbabala rin ang SPD na ang sinumang lumikha, nag-post, nagbahagi, o nagpakalat ng pekeng banta ng pambobomba, pamamaril, o iba pang mapanlinlang na impormasyon na naglalayong magdulot ng takot, pangamba, o pampublikong alarma ay tutukuyin, iimbestigahan, at papanagutin alinsunod sa batas. Dagdag pa nito, sasampahan ng kaukulang kasong kriminal ang lahat ng mapatutunayang responsable. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here