Home OPINION BANTAYAN ANG WORKER’S RIGHTS

BANTAYAN ANG WORKER’S RIGHTS

NAPAKAHALAGANG malaman at maunawaan ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan sa trabaho. Maliban sa suweldo, welfare at iba pang benepisyo, kabilang din ang occupational safety and health o OSH na kailangang ipagkaloob ng employer sa kaniyang mga empleyado.

Siyempre nga naman, maling sabihin kasi na ang pagkakaroon ng trabaho ay kailangang tanawin bilang utang na loob ng empleyado sa kaniyang employer. Nakapaloob din sa umiiral na batas na ipinatutupad ng labor department ang mga pangunahing karapatan ng bawat manggagawa tulad ng worker’s right to know, worker’s right to refuse unsafe work, worker’s right to report accidents at worker’s right to personal protective equipment o PPE.

Sa worker’s right to know, obligadong makatanggap ng mahahalagang impormasyong may kinalaman sa OSH mula sa kaniyang employer ang isang worker para masiguro ang kaniyang kamalayan  at gagawing aksiyon sa mga hazard at panganib ng isang patrabaho.

Hindi naman maaaring ipagpilitan ng employer na ituloy ang isang aktibidades na lubhang mapanganib o nasa imminent danger condition lalo na kung salat ito sa angkop na control measure o proteksiyon. Anomang retaliation sa worker’s right to refuse unsafe work ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.

Nararapat ding igalang, pakinggan, suportahan at imbestigahan ng employer ang anomang sumbong ng bawat worker patungkol sa mga hazard lalong lalo na kung nagdulot ito ng kamatayan ng kapwa trabahador o pagkasira ng kagamitan. Mas malaki kasi ang tiyansang maulit pa ang sitwasyon kung hindi maiimbestigahan at maitatama ang anomang kamalian.

Dahil kabilang ang personal protective equipment (PPE) bilang huling sandata at proteksiyon ng mga empleyado kung sakali mang pumalya ang mga pangunahing solusyon tulad ng elimination, substitution, engineering at administrative control, inobliga ng batas ang mga employer na ipamahagi ang PPE ng libre at kailangang kabilang sa budget costing ng kompanya. Kailangan ding gumawa ng PPE program para naman maging balanse ang pamamahagi at matukoy kung ano-anong mga specific activities ang may pangangailangan dito.

May karampatang administrative fine ang bawat paglabag ng employer sa mga karapatang nabanggit natin sa itaas. At para maiwasan ang mga multa, kailangang tumalima ang employer sa checklist ng labor department kasabay ng pagsusumite at pagpapatupad ng komprehensibong occupational safety and health program at iba pang pangangailangang itinatadhana ng batas.