Home NATIONWIDE Barangay tanod posibleng i-deploy sa loob ng mga paaralan — Palasyo

Barangay tanod posibleng i-deploy sa loob ng mga paaralan — Palasyo

1
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng gobyerno ang pag-deploy ng mga barangay tanod sa loob ng mga paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga eskwelahan, ayon sa Malacañang nitong Martes.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na pinag-uusapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd) ang posibleng kasunduan para makapaglagay ng mga tanod, kabilang ang mga babaeng barangay watcher, bilang visible patrol sa loob ng mga paaralan.

Ayon kay Castro, pinag-aaralan pa ang detalye ng panukala at posibleng maisapinal ang kasunduan sa susunod na linggo.

Kasunod ito ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18 na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing imbestigahan, kabilang ang kung paano nakakuha at nakapagdala ng baril sa paaralan ang isang menor de edad.

Bukod sa dagdag na seguridad, sinabi ng Palasyo na isinusulong din ang mga intervention para sa mga magulang, guro at school personnel. Kabilang dito ang parenting sessions at trauma-informed care upang makatulong sa pagkilala ng posibleng behavioral warning signs sa mga estudyante.

Nauna ring sinabi ng PNP na maaaring magsilbing “force multipliers” ang mga barangay tanod sa pagbabantay sa mga paaralan, habang pinag-aaralan ng DepEd at iba pang ahensya ang mas malawak na school safety measures.

Hinimok din ng Palasyo ang mga lisensiyadong gun owner na tiyaking ligtas at hindi maaabot ng mga bata ang kanilang mga armas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here