MANILA, Philippines – Inakusahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko ng China Coast Guard (CCG) na sinadyang banggain ang BRP Datu Pagbuaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea nitong Linggo.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, unang pinaputukan ng water cannon ng CCG vessel No. 21559 ang BRP Datu Pagbuaya bandang alas-9:15 ng umaga, bago nito binangga ang hulihan ng barko makalipas ang tatlong minuto.
“Later, the same CCG vessel deliberately rammed the stern of the BRP Datu Pagbuaya,” ani Tarriela. Nagdulot ito ng bahagyang pinsala sa barko ngunit walang nasaktan sa mga tripulante.
Ang insidente ay naganap habang tatlong barko ng BFAR ang nasa karagatan ng Pag-asa Island upang protektahan ang mga mangingisdang Pilipino sa ilalim ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda.”
Giit ni Tarriela, mananatiling nakapuwesto ang PCG at BFAR sa Kalayaan Island Group.
“Hindi kami papa-intimidate o paaalisin,” aniya.
Noong nakaraang buwan, nasira rin ang BRP Datu Gumbay Piang matapos tamaan ng water cannon ng CCG malapit sa Bajo de Masinloc, kung saan nasugatan ang isang tripulante. RNT