Home HOME BANNER STORY Baste Duterte, inaasahang tumestigo sa impeachment trial sa Lunes

Baste Duterte, inaasahang tumestigo sa impeachment trial sa Lunes

3
0

MANILA, Philippines – Inaasahang haharap sa witness stand si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte sa Lunes, Setyembre 28.

Sinabi ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na handa ang prosecution panel na kuwestiyunin si Baste bilang hostile witness at inaasahang matatapos ang pagtatanong sa loob ng isang oras o mas maikli.

“Sigurado kami na kaya ng isalang si Mayor Sebastian Duterte, [kasi] cross na lang ‘yung natira. So it will take maybe an hour or less or even less,” ani Luistro.

Inatasan ng Senate impeachment court si Baste na humarap mula Setyembre 28 hanggang 30. Natanggap ng kanyang tanggapan ang subpoena noong Setyembre 22, kasama ang utos na dalhin ang mga rekord ng Davao City government kaugnay ng GenCorp Industries Inc. at mga kumpanyang nagpapatakbo ng Jollibee branches mula 2020 hanggang kasalukuyan.

May 19 kontrata ang Davao City government sa GenCorp na nagkakahalaga ng P33.2 milyon. Nauna nang sinabi ni Baste na wala sa mga kaukulang kontrata ang pangalan ng kanyang kapatid o ang apelyidong “Duterte.”

Sinabi ni Luistro na nais ng prosecution na maging hostile witness si Baste dahil aniya’y taliwas ang kanyang interes sa posisyon ng prosecution.

“Ultimately I want to clarify, he will be presented as a hostile witness sapagkat we appreciate that his interest is completely adverse to the position of the prosecution,” ani Luistro.

“Sana dumating siya para magkaroon ng kaliwanagan. Itong issue ng mga testimony that was provided by field jeps, kailangan nating mabigyan ang pagkakataon si Mayor Sebastian Duterte to answer those allegations.”

Wala pa ring kumpirmasyon mula kay Baste kung dadalo siya sa Lunes. Gayunman, sinabi ni Luistro na may bisa ang subpoena at legal na kinakailangang humarap ang alkalde sa impeachment court.

“Kung may confirmation ba kami, wala po. As a matter of fact, wala naman tayong communication doon at all,” ani Luistro.

Ayon sa prosecution, maaari itong humiling ng contempt kung hindi dadalo si Baste, habang maaari ring maglabas ang impeachment court ng panibagong subpoena o contempt order.

Kasunod ni Baste, inaasahang tutestigo ang isang kinatawan ng PNP Firearms and Explosives Office tungkol sa mga baril na nakarehistro sa pangalan ng Vice President. Inihahanda rin ng prosecution ang subpoena para kay dating Sen. Antonio Trillanes IV at posibleng mga subpoena sa AMLAC at mga bangko.

Bahagi ang mga testigong ito ng presentasyon ng prosecution para sa Article 2 ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang umano’y paglabag sa SALN at hindi pag-divest sa mga business interest habang nagsisilbing Vice President. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here