Home NATIONWIDE Baste nangungunang ‘alternative’ choice kay VP Sara sa 2028 polls – sarbey

Baste nangungunang ‘alternative’ choice kay VP Sara sa 2028 polls – sarbey

3
0

MANILA, Philippines – Nangunguna si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang alternatibong kandidato sa pagkapangulo sakaling hindi makatakbo si Vice President Sara Duterte sa 2028 elections, ayon sa sarbey ng WR Numero Research.

Batay sa resulta ng survey na isinagawa noong Oktubre, nakakuha si VP Sara ng 42.4 porsiyentong preference rating para sa presidential race, mas mataas ng siyam na puntos kumpara sa 33 porsiyento noong Marso.

Pumangalawa naman si dating vice president at Naga City Mayor Leni Robredo na may 15.9 porsiyento.

Sinundan siya ni Baste na may 6.9 porsiyento at Sen. Raffy Tulfo na may 6.7 porsiyento.

Nasa ikalimang puwesto si Sen. Robin Padilla na may 3.8 porsiyento.

Ayon kay WR Numero Research President and CEO Robin Garcia, hindi umano gaanong naapektuhan ang preference rating ng bise presidente ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya.

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Garcia na 66 porsiyento lamang ng mga respondent ang paminsan-minsang sumusubaybay sa impeachment hearings.

Labinlimang porsiyento lamang ang nagsabing may oras silang manood at aktuwal na sinusubaybayan ang mga pagdinig.

Samantala, 12 porsiyento ang walang oras manood habang apat na porsiyento ang nagsabing hindi nila nauunawaan ang proseso. Nasa 61 porsiyento naman ng mga respondent ang nakaaalam sa impeachment proceedings.

Sa kabila nito, 56 porsiyento ng mga tinanong ang naniniwalang dapat dumaan si Sara sa proseso ng impeachment, kabilang ang ilan sa kanyang mga tagasuporta.

Tinanong din sa survey kung sino ang kanilang susuportahan sakaling hindi makatakbo o madiskuwalipika ang kanilang unang napiling kandidato sa pagkapangulo.

Nanguna si Baste sa alternative choice list na may 21.3 porsiyento, sinundan nina Tulfo at Padilla na kapwa nakakuha ng humigit-kumulang 10 porsiyento. Nasa kasunod na puwesto si Robredo na may 9.4 porsiyento.

Ayon kay Garcia, katumbas lamang ng halos kalahati ng preference rating ng kanyang kapatid ang nakuhang suporta ni Baste bilang alternatibong kandidato.

Ipinapakita umano nito na hindi awtomatikong mapupunta kay Baste ang lahat ng boto ni Sara sakaling hindi ito makatakbo, dahil maaari ring mapunta ang mga ito sa iba pang posibleng kandidato tulad nina Robredo, Tulfo at Padilla.

Samantala, nanguna rin si Baste sa vice presidential preference survey na may 13.4 porsiyento, na statistically tied kay Manila Mayor Isko Moreno. Sumunod naman si Sen. Bong Go na may 11 porsiyento.

Ayon kay Garcia, wala pang malinaw na nangunguna sa karera para sa pagka-bise presidente. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here