MANILA, Philippines – Ipinakita ng tatlong taong survey (2023–2025) na bumaba ang marine litter o basurang dagat sa baybayin ng Manila Bay, ngunit nananatiling dominado ito ng plastik.
Ayon sa ulat ng EcoWaste Coalition of the Philippines na inilabas nitong Biyernes, nabawasan ang dami at bigat ng basura kada metro sa baybayin ng Manila Bay sa loob ng tatlong taon.
Gayunman, nananatili pa ring plastik ang pangunahing uri ng basura, na bumubuo ng 91% ng bilang ng mga nakolekta at 66% ng kabuuang timbang.
Tinatayang mahigit 7.2 milyong piraso ng basura na may bigat na higit 307,000 kilo ang nasa 190-kilometrong baybayin ng Manila Bay, at higit 6.5 milyong piraso rito ay plastik.
Karamihan sa mga basurang ito ay single-use plastics tulad ng sachet, balot, bote, at plastik na kubyertos.
Naitala rin na pinakamataas ang akumulasyon ng basura tuwing Agosto, habang pinakamababa naman sa Pebrero.
Mas maraming basura ang nakita sa mga lugar sa National Capital Region dahil sa siksik na populasyon at mga drainage outfalls, habang mas mababa naman sa Cavite at Bataan.
Iminungkahi ng pag-aaral ang mahigpit na pagpapatupad ng Solid Waste Management Act at ng Supreme Court mandamus sa Manila Bay, pati na rin ang mas pinagsama-samang plano sa pamamahala ng marine litter, regular na coastal cleanup, at mas malawak na information campaigns para sa tamang pagtatapon ng basura. RNT/MND