CEBU CITY — Arestado ang isang 39-anyos na job-order garbage truck driver matapos makumpiskahan umano ng isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa buy-bust operation sa Barangay Kalunasan, Cebu City nitong Linggo, Agosto 16.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) ang suspek sa alyas na “Makmak,” residente ng Barangay Pulpogan sa Consolacion, Cebu.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-4:02 ng hapon sa Sitio Sobostiha II matapos ang halos isang buwang case buildup kaugnay ng umano’y illegal drug activities ng suspek.
Ayon sa mga awtoridad, nakumpiska sa operasyon ang isang pakete na naglalaman ng humigit-kumulang 1,000 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang smartphone at iba pang ebidensya.
Isinumite ang nakumpiskang droga sa laboratoryo ng PDEA-7 para sa kaukulang pagsusuri at disposition.
Ayon pa sa PDEA-7, dati nang naaresto ang suspek noong 2015 kaugnay ng reklamong illegal drug selling at possession ngunit kalaunan ay na-dismiss ang mga kaso.
Nananatili siyang nakadetine sa PDEA-7 at inihahanda ang reklamong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng umano’y pagbebenta ng illegal drugs.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang posibleng pinagmumulan at distribusyon ng nakumpiskang droga. Mary Anne Sapico