Home METRO Batang babae patay sa bangga ng kotse

Batang babae patay sa bangga ng kotse

NAIC, Cavite- Maagang binawian ng buhay ang 3-taong gulang na babae matapos magulungan ng kotse habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay, kamakailan sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Harlene Rose Gascon, residente ng Barangay Halang, ng naturang bayan.

Batay sa report ng Naic-PNP, bandang alas-6 ng hapon nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, base sa kuha ng CCTV footage, bandang alas-6 ng hapon nang makitang naglalaro mag-isa ang biktima sa kalsada ilang metro ang layo sa kanilang bahay.

Ilang minuto ang makalipas, biglang umandar ang kotse na nakaparada sa gilid ng kalsada at nagulungan nito ang biktima.

Agad namang huminto ang kotse at lumabas ang driver at sinabing hindi nito napansin ang bata.

Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na ring patay ng umatending doktor sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Kwento ng tiyahin ng biktima, abala ang ina sa pagluluto sa loob ng kanilang bahay habang ang ama ay may pinuntahan at hindi rin napansin ng mga kapatid ng biktima na nakalabas ito ng bahay.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Nakalabas ng kulungan ang suspek matapos magbayad ng piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan. Mary Anne Sapico

Previous articlePagbuhay, pagpapaunlad ng salt industry naisabatas na – Villar
Next articleSeguridad ng mga pasahero babantayan ng 30.5K PCG personnel sa Semana Santa