Home NATIONWIDE Batang Manileño, ipapadala sa India para sa liver transplant

Batang Manileño, ipapadala sa India para sa liver transplant

207
0

MANILA, Philippines – May panibagong batch na naman ng mga batang Manileño ang bibigyan ng pag-asa sa buhay matapos ipahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagosona sila’y ipadadala sa India para isailalim sa sa liver transplant.

Ayon kay Domagoso, naglabas ang pamahalaang lungsod ng kabuuang ₱6,976,208.85 para tustusan ang gastusing medikal at iba pang pangangailangan ng apat na batang nangangailangan ng liver transplant, pati na ng isang pasyenteng sasailalim sa burr hole aspiration at craniotomy.

Hinimok din ng alkalde ang mga magulang na manatiling matatag at manalig sa Diyos habang hinaharap ang mabibigat na operasyon ng kanilang mga anak sa ibang bansa.

“Pasalamat kayo sa Diyos at sa taxpayers ng Manila,” aniya.

Umaasa rin si Moreno na tuluyang gagaling ang mga bata at magkakaroon ng normal at malusog na pamumuhay matapos ang mga operasyon.

Patuloy naman ang pangako ng alkalde na tulungan ang mga Manileñong kapos sa buhay na nangangailangan ng mahal at espesyal na gamutan, lalo na ang pediatric liver transplant na limitado pa rin sa bansa.

Noong Disyembre 2025, naglabas na rin ang lungsod ng ₱7.4 milyon mula sa Special Health Fund para sa limang batang Manileño na sumailalim sa liver transplant sa India.
Ani Moreno, patunay lamang ito na kaisa ng mga pamilya ang pamahalaang lungsod at ang mamamayan ng Maynila sa laban para sa buhay ng bawat bata. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here