Home NATIONWIDE Batangas vice mayors, pinuri ni Bong Go sa pagpapabuti ng public service...

Batangas vice mayors, pinuri ni Bong Go sa pagpapabuti ng public service delivery

MANILA, Philippines – Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa Vice Mayors League of the Philippines – Batangas Chapter Congress na ginanap sa Grand Regal Hotel sa Davao City noong Sabado.

Ang okasyon ay kasunod ng kanyang pagbisita sa Biñan City, Laguna para pasinayaan ang inagurasyon ng isang Super Health Center at ayudahan ang mga senior citizen at displaced workers doon.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang 16 bise alkalde ng Batangas sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap na makapagsilbi sa kanilang mga nasasakupan.

Binigyang-diin ng senador na ang kanyang pamilya ay nagmula sa Batangas sa pagsasabing ang mga Batangueño ay mayroong espesyal na lugar sa kanyang puso.

“Today is exceptional for me. We are celebrating this congress in my hometown, Davao City, and I have deep roots in Batangas. This is a convergence of two important aspects of my life,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, mahalaga ang tungkulin ng mga bise alkalde sa kanilang mga komunidad at sa pagpapabuti ng kani-kanilang lokalidad.

“Bagaman magkakaiba ang ating mga tungkulin, iisa ang layunin natin na pagsilbihan ang sambayanang Pilipino,” ani Go.

Hinikayat niya ang mga bise alkalde na manatiling nakapokus at unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

“Bilang isang senador at ampon ng CALABARZON, patuloy kong susuportahan ang inyong mga programa, adbokasiya, at mga hakbangin para mas mapabuti pa ang paghahatid ng serbisyo publiko sa Batangas,” anang mambabatas.

Namigay si Go ng mga token sa mga bise alkalde upang ipakita ang kanyang pagpapahalaga sa kanilang pagsisikap sa paglilingkod sa kapwa Batangueño.

Bukod sa mga bise alkalde, dumalo rin ang ilan sa mga konsehal ng lalawigan.

Bilang isang mambabatas, masugid na itinutulak ni Go ang mga batas para palakasin ang lokal na pamamahala.

Sa kanyang inihain na Senate Bill 194 o E-Governance Act, layon nitong gawing moderno ang operasyon sa gobyerno at mas madaling ma-access ang mga serbisyong pampubliko.

Binanggit din ni Go ang kanyang pagsisikap na suportahan ang mga empleyado ng gobyerno sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2504, o ang “Salary Standardization Law VI,” na naglalayong taasan ang sahod ng mga sibilyang kawani sa bansa.

Ang pangako ni Go na tulungan ang public servants at pahusayin ang operasyon ng gobyerno ay nagbibigay-diin sa kanyang dedikasyon na mapahusay ang buhay ng mga Pilipino.

“Lahat tayo may bisyo… Ako may bisyo rin ako at hindi ko ikakahiya ang bisyo ko dahil ang bisyo ko ay magserbisyo sa inyong lahat. Sama-sama po nating isulong ang progreso at kapakanan ng ating mga kababayan sa Batangas at sa buong bansa,” idiniin ni Go na binansagang “Mr. Malasakit” dahil sa kanyang pagkamahabagin sa mga mahihirap. RNT