MANILA, Philippines – TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na naglalayong ayusin ang national government para sa episyenteng paghahatid ng pampublikong serbisyo.
Nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 12231 o ang Government Optimization Act nito lamang Agosto 4.
Pinahintulutan ng batas ang Pangulo na ayusin ang operasyon ng Executive Branch sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga redundant post o paulit-ulit na puwesto.
Saklaw nito ang lahat ng ahensiya ng Executive Branch, kabilang na ang mga departamento, kagawaran, tanggapan, komisyon, boards, konseho, at ang lahat ng iba pang entity na naka-attach sa o nasa ilalim ng kanilang administrative supervision.
Sakop din nito ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) na hindi saklaw ng Republic Act No. 10149 o “GOCC Governance Act of 2011.”
Sa ilalim ng batas, maaaring ayusin ng Pangulo ang operasyon ng iba’t ibang ahensiya sa Executive Branch para “strengthen the functions of the agency that directly contribute to the targeted ultimate societal outcomes of the National Government and/or the targeted sector or subsector outcomes of the agency.”
Maaari ring gawin ni Pangulong Marcos ang “scale down, phase out, eliminate, or discontinue functions, programs, projects, or activities that can be better carried out or undertaken by the private sector, or have already been devolved to local government units.”
Gayundin, maaari rin niyang “transfer or integrate functions from one agency to another which can better perform the same, or split functions of agencies, bureaus, and offices that may be conflicting or multifarious.”
Sa ilalim pa rin ng batas, maaaring gawin ng Pangulo ang pagsamahin ang mga ahensiyang ang tungkulin ay “unnecessarily overlapping or duplicating”; ilipat ang mga ahensiya, units, o posisyon sa ibang departamento, ahensiya, o unit kung saan ang tungkulin ay mas nakahanay; hatiin ang mga ahensiya o units na may multifarious functions na naiiba subalit pare-parehong mahalaga sa aspeto ng pamamahala; lumikha ng bagong ahensiya, tanggapan, o posisyon kung kinakailangan para palakasin ang kakayahan ng ahensiya ng gobyerno na gampanan ang kanilang mandato; i-regularize ang ad hoc offices na ang tungkulin ay mahalaga at makabuluhan, at dapat na patuloy na isinasagawa ng gobyerno; at buwagin ang mga ahensiya o units, “subject to evaluation and favorable recommendation” ng Committee on Optimizing the Executive Branch (COEB).
Ang COEB, sa ilalim ng batas, ay nilikha upang pangasiwaan ang implementasyon ng Government Optimization Program.
Magpupulong naman ang Komite 30 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.
Ang Executive Secretary ang tatayong chairman ng COEB habang ang co-chairman ay ang Budget and Management Secretary. Kris Jose