MANILA, Philippines – Isinusulong ni Rep. Rodolfo Ordanes ng Senior Citizens Party-list ang House Bill No. 2722, o ang Anti-Age Discrimination in Health Care Services Act, na pipigil sa mga health maintenance organization (HMOs) na tanggihan ang mga matatandang Pilipino.
Ayon kay Ordanes, sa kabila ng umiiral na RA 9994 (Expanded Senior Citizens Act), marami pa ring senior citizens ang nakararanas ng diskriminasyon sa pribadong sektor ng kalusugan.
“One glaring issue is the refusal of by HMOs to accept senior citizens as members or their imposition of arbitrary age ceilings for enrollment, renewal, or access to health care services,” paliwanag niya.
Layunin ng panukala na ipagbawal sa HMOs at kanilang kaakibat na provider ang pagtanggi o pagbabawas ng serbisyo sa mga senior base lamang sa edad, bawal ang age limits sa enrollment o renewal, at parusahan ang hindi makatarungang gawain gaya ng mataas na premiums o bawas ng benepisyo nang walang actuarial na batayan.
“Ang problema kasi disqualified agad ang senior bago pa man magsimula ang proseso ng pagtatanong hinggil sa insurance policies,” ani Ordanes.
Dagdag niya, ang sobrang taas ng premiums ay nagiging dahilan upang hindi pumasok ang mga senior sa HMOs, na mali at hindi patas. RNT