Home NATIONWIDE Bato sa ICC arrest warrant: ‘Nakahanda ako, kahit anong oras’

Bato sa ICC arrest warrant: ‘Nakahanda ako, kahit anong oras’

MANILA, Philippines- Nakahanda nang magpakulong si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sakaling ihain ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya bilang chief implementer ng madugong drug war sa Duterte administration.

Sa kanilang grand rally sa Iloilo City, mahigpit na ipinagtanggol din ni Dela Rosa ang madugong war on drugs kahit libo-libong mamamayan ang pinatay kasama ang maraming menor-de-edad tulad ni Kian Delos Santos, 17-anyos na estudyante.

“Anong magagawa ko kung ayan ang kapalaran ko? Basta ang importante, nagawa ko ang dapat gawin habang ako ay buhay dito sa mundo. Ginawa ko ‘yung war on drugs, ginawa namin ang lahat,” ayon kay Dela Rosa.

“Kaya ako, I’m ready to go anytime. Ang buhay ko’y nakataya na, naka-kasa na. Anytime, pwede akong mamalasin dahil sa aking adbokasiya na ito. Pero never si Bato aatras sa laban na ito, I tell you,” dagdag niya.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang ipatupad ng administration nitong dating Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs.

Nakakulong ngayon si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague sa kasong crimes against humanity for the extrajudicial killings a drug war. Inaresto siya ng pulisya noong Marso 11 base sa warrant of arrest na ipinalabas ng ICC.

Naunang ibinandila ni Dela Rosa na magtataago ito at hindi susuko sakaling magpalabas ng warrant ang ICC.

Sinabi pa ni Dela Rosa na wala na siyang inaasahang katarungan sa Marcos administration matapos ang pag-aresto kay Duterte.

Naunang ibinulgar ni ICC Prosecutor Karim Khan na may dalawang saksi at 16 oras ng of audio video files, at mahigit 9,000 pahina ng dokumento ang inihahanda ngayon para sa kumpirmasyon ng kaso laban kay Duterte.

Nakatakdang isagawa ang susunod na pagdinig sa Septyembre 23 sa ICC. Ernie Reyes