MANILA, Philippines – Ikinukunsidera ng pamahalaan na ibaba ang mga bayarin sa nga paliparan sa buong bansa para makatulong na mapanatiling matatag ang singil sa pamasahe sa eroplano sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa panahon ng Holy Week.
Ayon sa Department of Transportation, bahagi ito ng mga hakbang na iniutos ni Pangulong Ferdinand R.Marcos Jr. upang mabawasan ang matinding epekto ng tumataas na presyo ng gasolina.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ng DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na isinasaalang-alang nila ang pagbabawas ng ilang bayarin sa paliparan dahil sa inaaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Holy Week.
Kabilang na dyan ang landing at take off fee na ipinatutupad ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
“Una, may mga pagpupulong kami with the airlines natin. Alam din po namin na talaga ma-apektuhan sila dito and we’re thankful that they’re still holding on. Ganoon pa man, we have to do some mitigating measures also. Not for the airlines necessarily, but more so dun sa epekto sa mga pamasahe sa airfare ng mga gustong bumiyahe,” ayon kay Lopez.
Hindi pa masabi ng Kalihim kung magkano ang maaring ibaba sa mga bayarin pero ito aniya’y pinag-aaralan na ng DOTR.
Ang anumang mabubuong proposal ay ipiprisinta aniya sa board para paaprubahan at posibleng makapaglabas sila ng desisyon para sa posibleng adjustment sa pamasahe sa susunod na linggo.
“So isa sa mga tinitingnan namin sa CAAP, yung ating aviation authority, kung pwede ba namin ibaba yung mga ibang fees. Landing fees, take-off fees, yung mga sa tingin namin na kaya naman namin i-adjust. And that will, I think, that will ripple down doon naman sa airfare. At least may stabilize namin kahit pa paano,” dagdag pa ng opisyal.
Nauna nang ini-anunsyo ni Pangulong Marcos ang ilang mga hakbang ng gobyerno para bawasan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot ng nangyayaring krisis sa Middle East. (KRIS JOSE)