MANILA, Philippines — Tinitingnan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbawi ng lisensya ng mga kontratistang sangkot sa mga ghost at substandard projects, ayon kay bagong talagang kalihim Vince Dizon.
“Hindi lang dapat perpetual disqualification. Dapat bawiin na mismo ang lisensya,” pahayag ni Dizon sa panayam sa isang ulat.
Giit niya, kung may parusang pagbawi ng lisensya para sa mga drayber, dapat ding ipataw ito sa mga kontratistang lumalahok sa maanomalyang proyekto.
Nauna nang sinabi ni Dizon na ang mga kontraktor na mapapatunayang sangkot sa ghost projects ay awtomatikong lifetime blacklisted sa lahat ng government programs at posibleng masampahan pa ng kaso.
Pinalitan ni Dizon si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na nagbitiw sa puwesto kasunod ng kontrobersiya sa mga flood control projects. RNT