Home METRO Bebot binigti sa utang; bangkay nilagay sa ice box

Bebot binigti sa utang; bangkay nilagay sa ice box

MANILA, Philippines – Isinilid sa isang ice box ang bangkay ng isang babae sa loob ng kaniyang bahay sa Trece Martires City sa Cavite.

Ayon kay PSSgt. Larz Celestino, imbestigador ng Trece Martires Component City Police Station, tugis ngayon ang suspek na si alyas Wilson, 35-anyos at residente ng Golden Horizon Villas, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang biktima (hindi muna pinangalanan) sa bahay ng suspek para singilin ito ng utang sa halagang P50,000.00.

Subalit, sa halip na magbayad umano ang suspek sa biktima ay kumuha ito ng nylon saka sinakal ang biktima hanggang sa ito ay mamatay.

At para itago ang nagawang krimen, inilagay ng suspek ang katawan ng biktima sa ice box saka tumakas.

Nagtungo naman sa nasabing himpilan ng pulisya ang asawa ng suspek at isinumbong ang krimen.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng pulisya para sa agaran pagdakip sa suspek./Mary Anne Sapico